Tatlumpu't dalawa, tatlumpu't tatlo. Isang pagbati mula sa matamis at malamig na simoy ng hangin. Sa kanyang paghalik sa iyong balat sumabay ang paalala ng ginaw ng Disyembre. Sa sumunod niyang ihip ay tumindig ang iyong balahibo, hindi dahil sa lamig, kungdi dahil sa kilabot.
Tatlumpu't apat. Sumabay ang lunday ng iyong buhok sa malamyos na kumpas ng hangin. Una'y mahina, ang ikalawa'y kasing lakas ng mayuming pananabunot. Tila pinipigilan ka, para bang tinutulak ka paurong. Kinipkip mo ang iyong mga braso at nagpatuloy.
Tatlumpu't lima. Wala ka nang oras para magdalawang-isip. Buo na ang iyong kalooban. Dito na hahantong ang paulit-ulit mong pag-iyak sa nakaraang labing-isang buwan. Ito na ang katapusan ng iyong pagkukunwari.
Tatlumpu't anim. Ito ang tugatog ng iyong buhay, ang huling pag-aagaw ng dilim at liwanag na iyong masasaksihan. Ito na ang kahuli-hulihang pagkakataon na tatagas ang iyong luha sa iyong pisngi. Ito'y hindi pagtangis sa mapait na alaalang iyong binabalak iwanan. Ito'y luha ng mapayapang pamamaalam. Ito'y luha ng kasiyahan. Patak, patak, patak. Isang matamis na ngiti ang iyong binitawan bago ka lumundag patungo sa yakap ng malamig na hangin.
Tatlumpu't lima, tatlumpu't apat, tatlumpu't tatlo. Malayo ka pa sa piling ng nag-aabang na semento ay bumulong ka sa amihan, sana hindi mo na maramdaman ang sakit. Sana, iyong taimtim na wika, sa pagpikit ng iyong mata ay matapos na ang lahat.
Sinalubong ka ng pagbilis ng tibok ng iyong puso, sabay kinagat ka ng dilim. Hindi ka pa pumapalo sa sahig ay iniwan ka na ng pag-asa. Kasunod nito ay iniwan mo naman ang buhay.
Fatalistic suicide, according to Durkheim, happens to "persons with futures pitilessly blocked and passions violently choked by oppressive discipline." Oppression releases currents of melancholy which causes people to lose their sense of self.
Bago ka pa nila matagpuan ay tinuyo na ng hangin ang iyong mga luha. Ang tanging naiwan ay ang bakas ng ngiti sa iyong mga labi.