Thursday, March 30, 2006

Gamot sa Sakit ng Ulo

Isang dire-diretsong reklamo sa pagkainis, pagkamuhi at panggagalaiti.

Sabi ng malditong antipakong kaklase ko, mabisang gamot sa pananakit ng ulo ang pag-untog ng sarili sa pader, dingding, o iba pang mas matigas na bagay. Gusto ko siyang ibato sa labas ng kwarto kahit nagkaklase kami noong oras na iyon, at gusto kong ibalibag siya sa labas ng school, mula sa Roofdeck, para malaman ko naman kung mabisa gamot sa pagkabaliw ang pagkahulog mula sa ikalimang palapag(o mas higit pa).

Araw ng pahinga ko mula sa karimarimarin na klase ko tuwing Lunes at Huwebes. Makakapagdiwang ang batugan kong katawan dahil makakatulog ako ng mas matagal.
Ngunit, maraming bagay ang nakabinbin sa listahan ng aking mga gagawin. Ilan na dito ay mga research at readings na kinakailangan kong basahin, mga responsibilidad at iba pang aktibidades. Kaya hindi rin ako makakapahinga nang matagal.

[Word Filtered] Sira ang monitor ng PC ko at hindi ako makapagtrabaho nang maayos.
Tinalo ko pa ang may 500-500 vision dahil singlabo ng sirang cable tv ang lumalabas sa monitor ko.

Kaarawan ng aking ina sa Biyernes. Simple lang ang regalo ko, ngunit hindi ko pa ito tapos lagyan ng dekorasyon.

Pinag-iisipan parin ng aking ina kung kukuha pa siya ng Masteral Degree. Siya ay 54 na (sa Biyernes), mga 15 taon nang hindi nagtatrabaho. Ngunit dahil maraming nangangailangan ng Clinical Instructor(CI), dagdag pa rito ang nakakatakam na alok na sweldo, binabalak niyang mag-aral muli.

Pinagpilitan kong huwag mag-nurse. Nandidire akong magsuot ng puti, dahil ito ay napakadumihing kulay. Ang mga tao pa naman, mas pinapansin ang mantsa kaysa sa kaputian ng tela. Isa pa, wala akong balak maging nurse, hindi ko naisip na gayahin ang aking ina sa kaniyang propesyon.
Alam kong sadyang "in-demand" ang mga nurse, kumikita sila ng mga $25 o higit pa sa loob ng isang oras. Hindi naman sa wala akong balak mangibang bansa, ngunit sa dinami-dami ng kurso, at sa dinami-dami ng kumukuha ng Nursing ngayon, ayaw ko nalang makipagsabayan. Ibang larangan nalang ang kukuhanin ko, kagaya halimbawa ng pagtuturo.

Marami akong gustong matutunan at naikakahon ako minsan ng bias ng mga nagiging guro ko. Nakakasakal minsan dahil nalilimitahan ang pananaw ko sa buhay. Hindi ako tango lang nang tango, may sarili akong pinaninindigan. Paano ko naman kaya ito ipaglalaban sa tulak ng nakararami sa paligid ko.

May malawakang rally sa Biyernes, mayroon ding overnight meeting sa aming organisasyon. Bukod pa dito ay may forum akong dapat puntahan, at birthday ng nanay ko.
Ngayon palang ay pinipili ko na ang forum at ang nanay ko. Una ay dahil sa mahalaga ang forum na iyon, kailangan ko pang gawan ng reaction paper ang magaganap. Ikalawa, mas importante ang aking ina kaysa sa kung anong meeting o rally. Kaarawan niya at gusto ko siyang makasama sa araw na iyon.

Maaari na sa hindi ko pagpunta sa rally at sa hindi ko pagdalo sa meeting ay magalit ang aking mga kaibigan. Iwawagayway na naman nila sa mukha ko ang obligasyon ko sa kanila.

Hindi ako aktibista. Ewan ko nga kung saan ako lulugar. Kahit anong tingin ko sa rebolusyon, hindi ako natutuwa sa madugong labanan. Kahit anong uri ng giyera ay tinututulan ng buo kong pagkatao. Alam kong may mali sa sistema ng gobyerno ngayon, ngunit ano ang dapat gawin?

Para sa akin, overrated na ang mga rally. Kahit anong pilosopiya pa ang ipasak sa tenga ko, hindi na tatanggapin ng puso ko ang klase ng pakikibaka na gusto ng ilan sa aking mga kaibigan. Unti-unti nang nawawalan ng saysay ang street parliamentarism--ang pakikipagsapalaran sa kalsada--at kasabay nito ang pagkakawatak-watak ng Pilipinas.

Nagagalit ako. Mahirap makisabay sa mga taong bukas man ang tenga ay sarado ang isip sa ibang mga pananaw. Marami sa mga aktibista, lalo na iyong mga maka-kaliwa, sa kagustuhan na magkaroon ng isang paniniwalang magbubuklod sa lahat ay isinasara ang kanilang pinto sa kahit anong paniniwalang hindi naaayon sa kanila. Pinagpipilitan nila ang pagbubuklod sa masa, nakikipagsapalaran upang pabagsakin ang isang mapang-abusong rehimen, ngunit maaaring sila ay lumilihis sa kanilang mga pinaniniwalaan.

Sabi ng isang komunistang nakausap ko, hindi sila titigil hanggang hindi napapalitan ang gobyerno, hanggang hindi naayos ang sistema, hanggang hindi naiaalis sa pagkakaluklok ang mga kawatan at mapagsamantala. Pilit nilang ipinapamukha ang kanilang mga layunin sa mga taong ni hindi pa handa sa pagbabago.

Dito pumasok sa isip ko na hilaw pa ang rebolusyon. At hindi ito mahihinog hanggang hindi nila naiisip na mapupunta sa wala ang kanilang pakikipaglaban kung patuloy nilang isasara ang puso nila sa tunay na layunin: ang pagkakaisa.

Pagkakaisa. Hindi nangangahulugan na kinakailangan alisin sa puwesto ang mga kinauukulan, hindi nangangahulagang isang pangkalahatang repaso at pagbabago sa sistema ng pamamahala. Pagtanggap at pag-unawa, pagbubukas ng isip sa layunin ng isa't isa, at pagtutulungan upang makamit ang makabubuti para sa nakararami.

Hindi isang patetikong pakikipagsapalaran na bulag at bingi sa ibang pananaw. Kagaya na lamang ng iba kong kaibigan na walang tinatanggap na tama kundi iyong alam nilang tama.

May ipinaglalaban sila, hindi iyon maikakaila, ngunit ang kanilang pamamaraan ay sumisira sa pamahalaan, pinipilit nilang wasakin nang sapilitan. Kaya sa halip na magbunga at nauudlot ang kanilang mga plano.


*Bagamat ito ang nakalitaw na oras at araw, ang katotohanan ay kahapon ko pa ito naisulat.

No comments: