Friday, November 25, 2005

Machang

Isa sa mga pinakapaborito kong pagkain ang machang. Kabilang din ito sa mga hindi ko alam lutin na pagkain. Nabibili ito sa mga tindahan ng Intsik na karaniwang madadaanan sa Banawe, QC.

Hugis pyramid ang pagkain na ito, nakabalot sa mabangong dahon na mahaba at medyo malapad at nakatali upang huwag bumukas at tumapon ang laman sa loob.
May baboy o di kaya manok na nakalahok sa malagkit na kaning kulay tsokolate na masarap (Hindi ko maipaliwanag ang lasa ng kaning malagkit. Sabi ng mama ko, lasang lutong Intsik daw).

Isinasaing muna nang kaunti ang kaning malagkit bago isama ang mga rekadong napili (baboy, manok, at/o nilagang itlog). Paghahaluin ang mga ito tsaka ilalagay sa dahon ng saging at tatalian.
May kaunting alam man ako kung paano lutuin ang machang, hindi ko alam kung anu-ano ang inilalagay dito, maliban sa mga nakikita kong sahog gaya ng manok, baboy, itlog at kanin. Hindi ko na pinangarap pang matutong magluto ng machang, sigurado akong hindi sasabihin sa akin ng tindera kung paano ito ginagawa at kung anu-ano ang mga sangkap.

Hindi madaling masira ang machang, lalo na kung ilalagay ito sa refrigerator. Kailangan lang initin ito sa kawali at pasingawan o sa microwave para mas mabilis.

Mabigat sa tiyan ang machang. Kahit na kasing laki lang ng dalawang kamay na ihinugis tatsulok ang isang machang, kalahati pa lamang nito ay busog na ako. Minsan ay tinitira ko pa ito para sa susunod na kain, minsan ay may kahati ako.

Madalang lang ako makakain ng machang. Hindi ito dahil wala kaming pambili, kundi dahil bihira lang kami madaan sa bilihan nito. At kung bibili man kami ay isang tali lamang. Sa isang tali ay may limang machang na nakakabit. Sa limang machang, isa't kalahati lang ang makakain ko.

Kahapon ay bumili kami ng machang. Tuwang-tuwa akong inakap ang dalawang tali ng machang na binili namin. Nanikit tuloy sa damit ko ang amoy nito, na lalo kong ikinapanabik. Mabuti nga at naisip ko pang isulat ito bago ko tumakbo para kainin ang machang na ininit na ng aking mama para sa tanghalian.

Yey. Ansaya ko. Kaw, kumain ka na ba?

No comments: